Alam nyo ba ang kwento ni Hachiko? Kung hindi pa, panoorin nyo ang pelikulang ginawa para sa kanya.
Ang kanyang pelikula ay hango sa katagang nasa itaas. Si Hachi ay isang Akita na nawala, kinupkop, at natutong magbuhos ng walang katapusang pagmamahal para sa kanyang kaibigan. Hindi natin matatawag na amo nya si Parker o sya ay isang ordinaryong alaga lamang, dahil hindi pangkaraniwan ang taglay ng asong ito.
Hindi ko na ikukwento kung ano ang nangyari sa pelikula. Kayo na ang bahalang manuod nito. Sa halip ay tatalakayin ko ang katuturan ng katagang nasa itaas at ang koneksyon nito sa buhay ni Hachi pati na rin sa ating lahat.
Gaya ng sinabi ko, kakaiba at di pangkaraniwan si Hachi. Tapat sya sa kanyang kaibigan at talagang pinaninindigan ang gusto nyang gawin. Buong buhay nya ay ginugol sa pagtitiwala sa kanilang pagkakaibigan. Naghintay sya araw-araw sa pagbalik ng kanyang kaibigan at hindi sumuko ni minsan. Kahit kailan ay hindi sya nawalan ng pag-asa kahit pinapamukha na sa kanya mismo ang kawalan ng pag-asa.
Kung ihahalintulad natin sa tunay na buhay at sa mga relasyon natin sa ibang tao, ang tunay na pagmamahal ay nagsisimula sa pagiging tapat at totoo sa sarili. Ang isang mabisang halimbawa ay ang relasyon natin sa mga iniirog natin.
Madalas sinasabi na kakaunti na lang ang mga taong matapat at totoo sa damdamin at sa salita. Kakaunti na lang ang mga magsing-irog na nagtatagal ng mahabang panahon. Ito ay dahil hindi tunay ang pagmamahal nila.
Isipin nyo na lang kung kayo si Hachi at si Parker ang pinakamahalagang tao sa buhay nyo. Gagawin nyo rin ba ang sakripisyong ginawa ni Hachi? Magmamahal ba kayo ng buong puso? Magiging tapat at totoo ba kayo hanggang sa kahuli-hulihang sandali ng buhay ninyo? Hindi ba kayo mawawalan ng pag-asa sa kabila ng mga negatibong nagaganap? Hindi rin ba kayo susuko anuman ang mangyari?
Yan ang dapat tandaan para masiguro kung "mahal ka" at "nagmamahal ka".