Minsan lang sa buhay dumarating ang mga ganitong pagkakataon. Lalo na pag marami kayo sa pamilya. Jumackpot lang siguro ako dahil nagkataong may inaasikaso akong mahalaga at matagal nang inaasam.
Hindi ko inakalang ang simpleng paglalakad ng mga papeles at dokumento sa loob ng sampung oras ay magiging masaya at makulay. Kinabahan pa ako dahil akala ko magiging "awkward" kumbaga. Pero hindi.
Palakad-lakad, pabalik-balik, nagmamadali, bitbit ang mga papel, kumakausap ng mga tao, pagod na pagod. Sa gitna ng mga ito ay naisingit pa namin ng nanay ko ang tawanan at malalim na kwentuhan. Tanging yakult at siopao lang ang pinagsaluhan namin. Talagang bonding kung bonding.
Parang bumalik ako sa pagkabata habang hawak-kamay kaming naglalakad. Parang "only child" ang pakiramdam ko. Para akong isang batang walang muwang na nagsisimula pa lamang tumuklas ng mga bagay tungkol sa mundo. Maraming natutunang panibago. Maraming naging malinaw.
Sa pagtatapos ng aming munting adventure, hindi lang napudpod ang mga sapin namin sa paa. Higit sa lahat, ako at ang nanay ko ay nagkaroon ng panibagong malalim na koneksyon na mahirap nang makuha ngayon lalo pa't panganay ako at maraming kapatid.