Ito yung pelikulang matatawag mong trailer pa lang, ulam na. Bukod sa all-star cast ng The Unkabogable Praybeyt Benjamin, punong-puno rin ito ng mga kwelang linya na pumatok at kumalat pa sa social networking sites.
Tipikal na kwento ng pagpapatunay ng kakayahan ng isang itinakwil ang ipinakita ng pelikulang ito. Bukod sa isyu ng pagtanggap ng pamilya sa tunay na kasarian ng bida, may mga ipinakita ring isyu sa lipunan na kapupulutan ng aral.
Una na rito ang diskriminasyon. Kapag bakla ba, hindi na pwedeng sumali sa sandatahang lakas? Kapag bading ba, patatalsikin na sa pagiging sundalo? Kapag beki ba, wala nang kakayahan at diskarteng lumaban?
Hindi ba pwedeng wala munang stereotyping?
Pangalawa, tinalakay din ang iba't ibang sitwasyon sa buhay ng tao na sinasabing kahinaan kuno. Pinakita ito sa pamamagitan ng mga nakilalang kaibigan ni Benjamin "Benjie" Santos VIII sa loob ng training camp na may mga kanya-kanya ding kawirduhang taglay.
Ipinakita sa pelikula na hindi dapat tingnan agad bilang kahinaan ang isang bagay base sa panlabas na anyo o katayuan sa buhay. Ang hindi alam ng nakararami, mas mayroon palang ibubuga ang mga ito kaysa sa mga taong mapanghusga.
Sa larangan ng komedya naman, tadtad ng mga patawa ang buong pelikula. Nakahanda talaga ang ngala-ngala sa paghalakhak. Hindi lang makalaglag-panga ang mga linya at pamimilosopo, pati ang mga pagkakataon na nagiging bahagi ng pelikula ang audience ay nakakaaliw din. Bukod sa maraming exposure ng flawless legs ni Vice Ganda at hot body ni Derek Ramsay, kaabang-abang din ang part two ng Praybeyt Benjamin.