Totoong mahirap mag-ipon kapag lagi kang gutom. Madalas kasi paniwalaan na PAGKAIN = GASTOS. Sa katunayan, sa panahon ngayon lahat ng bagay kailangan nang gastusan. Kulang na lang, bilhin natin ang hangin.
Gitna na ng buwan ngayon. Payday sa karamihan na 15-30 ang pasweldo ng kumpanya. Unang-unang bibilhin, pagkain. Malamang.
Di naman maitatanggi yon. Pagkain ang isa sa mga pangunahing pangangailangan ng tao para mabuhay.
Ang pinakamahirap na kalaban ay ang kumakalam na sikmura. Kaya nga nauso ang mga street vendors dahil sa dami ng mga taong inaabutan ng gutom sa daan.
Kadalasan pag ginutom, nahuhugot pa ang mga pinakatatagong salapi sa kaloob-looban ng wallet.
Ang problema kasi, mahilig ang Pinoy sa pagkain. Mahilig tayong kumain. Masarap tayong kumain at kahit anong ihain sa mesa, lalamunin.
Kaya totoong higit sa kalahati ng kinikita ng isang Pilipino buwan-buwan, sa pagkain lang napupunta. Hindi lang yung mga hinahain sa bahay tatlong beses sa isang araw na galing sa palengke o grocery, kundi yung mga tipong trip lang kainin dahil gutom na.
Yung mga on-the-spot cravings.
Kaya madalas... Yung ilalagay mo dapat sa alkansya na bente pesos, eh magagastos mo pa para sa chichirya o anupamang mumurahing street food. Yung itatabi mo dapat na P100, magagamit mo pa sa fast food chain. Yung itatago mo dapat na malutong na P500, maipambibili mo pa ng take-out. Yung iipunin mo dapat na P1,000 para sa buwan na iyon, maipangkakain mo pa sa mamahaling restaurant.
Pero hindi mo rin naman masisisi ang sarili mo. Di ka masisisi ng kahit sinong tao. Matinding pagkagutom ang dahilan kaya ka napapagastos at hindi nakakaipon. Mahirap kontrahin at tanggihan ang hilab ng tiyan at panghihina ng katawan.
At siguradong mas malaking gastos nga naman pag nagkasakit ka o namatay sa gutom.