Naniniwala ako na walang kasalanan si Mr. Prisco Nilo sa hindi saktong hula sa takbo ng bagyo at lagay ng panahon.
Kung gusto ng Pilipinas ng magandang pagpapatakbo sa PAGASA at tamang weather forecast, hindi sagot dun ang pagsibak sa isang tao lang.
Ang kailangan dun, pangkalahatang pagbabago sa sistema ng PAGASA.
Wala na ngang kabataan na kumukuha ng college courses para sa weather forecasting at ang mga matatandang bihasa o eksperto na sa ganitong trabaho ay nagsi-alisan na ng Pilipinas para magsilbi sa ibang bansa, sisibakin pa ang kawawang tao na nagmamalasakit sa bayan.
Anong magagawa ng mga taga-PAGASA kung palpak ang mga kagamitan nila dun? Matagal nang alam ng sambayanang Pilipino na low-tech at bulok na ang mga scientific instrument nila sa PAGASA.
Kasalanan ba yun ng tao na walang ibang ginagawa kundi gawin ang lahat ng makakaya para makapaglingkod sa bayan sa pamamagitan ng pag-forecast ng resulta na lumalabas sa mga weather instrument?
At kung sibakin at palitan ang kawawang tao na yun, magiging tama na ba ang weather forecasts?
Bulok na sistema ang dapat palitan at hindi tao.
Kailangan mag-upgrade ng mga kagamitan. Kailangan linawin ang paglalabas ng forecasts. Kailangan ayusin ang takbo ng pagtatrabaho sa PAGASA.
Hindi tama na kapag may mali, sibak agad.
Sa lahat ng bagay sa mundo, sana isipin muna kung ano talaga ang puno't dulo ng problema bago magdesisyon.