Kabado ba kayo sa tuwing may mga taong naka-blue uniform sa bawat kanto ng mga kalsadang dinadaanan niyo?
Iniiwasan niyo ba sila o hindi pinapansin dahil baka makawayan nila kayo at patigilin sa gilid?
Hindi niyo ba alam ang sasabihin kapag nilapitan na kayo ng mga MMDA?
Wala nang dahilan para kayo ay magkaganyan. Dahil ngayon, may panibagong patakaran ang MMDA sa pagpapatupad ng batas-trapiko.
Hindi na nila iko-confiscate ang lisensya ng mga driver na ipapatigil nila sa gilid ng kalsada dahil sa paglabag sa batas-trapiko.
Tama, mga kapwa ko nagmamaneho sa kakalsadahan ng Metro Manila. Hindi na kailangang maabala sa daan, makiusap, magmakaawa, magsuhol o magbigay ng kotong, at magpunta sa malayong lugar para mag-claim at magbayad sa pagbawi ng confiscated na driver's license.
Ipinatutupad na ito ngayon ng MMDA dahil sa kagustuhan at layunin nilang iwasan hanggang sa tuluyang mapuksa ang pangongotong o panunuhol.
Hindi kasi natin maikakaila na laging dinadaan sa pera ang transaksyon para lang hindi makumpiska ang lisensya. Kaya ngayong bago ang administrasyon ng Pilipinas, hindi na lang nila ipapakumpiska ang lisensya para walang aberya ng pangongotong at pangungurakot.
Sa kabilang dako, magiging sosyal ang ipapalit nilang paraan imbes na mangumpiska. Gagamit na lang daw ang tauhan ng MMDA ng mga handheld video camera at idodokumento ang paglabag sa batas-trapiko ng mga mahuhuling motorista sa lansangan.
May CCTV cameras na sa paligid, may kanya-kanya pa silang handheld cameras! Talagang "caught-on-tape" ang drama nila!
At sa pagtakbo ng aking imahinasyon, naiisip ko na baka sa oras ng trabaho ay gumawa na lang ng pelikula o teleserye ang mga MMDA sa kalsada.
Ok na rin yun kaysa mangotong sila at walang tigil na manguha ng lisensya ng mga tao dahil trip lang nila.