Minsan, hindi mo na alam kung tanga ka o uto-uto. Mapapaisip ka na lang sa gitna ng katahimikan at magtataka kung bakit nakakulong ka pa rin na parang preso.
Sasabihan ka na ayaw kang mawala. Wow, magandang senyales yun.
Di ka kayang alagaan nang tama. Wow, hindi talaga tama yun.
Kung titimbangin ang dalawang magkasalungat na lohika, mas mabigat ang negatibo kaysa sa positibo.
Ibig sabihin, mas may “something” yung hindi ka kayang alagaan nang tama. Mas may laman.
Ano nga naman ang saysay ng katagang “ayaw kang mawala” kung hindi ka naman natatrato nang tama? Kung napapabayaan ka, edi mas masahol pa yun sa nawala dahil talagang wala ka lang para sa kanya. Anong halaga ng pananatili sa relasyong walang give and take?
Kung iintindihing mabuti ang sitwasyon, isang napakalaking kalokohan ang ginagawa sa iyo ng taong sasabihan kang ayaw kang mawala pero hindi ka naman maalagaan nang tama. Ano yun, gagawin kang alipin? Gagawin kang palamuti?
Isang napakalaking kalokohan din na wala kang gagawing aksyon at hahayaan mong maging miserable ka habang buhay.
Hindi naman pwedeng gawing rason na nagmamahalan kayo dahil unang-una, nasaan ang pagmamahal dun?
Kung mahal ka ng taong mahal mo, dapat marunong siyang alagaan at tratuhin ka nang tama dahil ayaw ka niya mawala.
Kung hindi ka naaalagaan, ibig sabihin lang nito na hinihintay niyang kusa ka mismong mawala. Echos lang yung dramang ayaw kang mawala.
Umpisa pa lang, kung nasa tamang pag-iisip ka, hindi ka na papayag na basurahin ka. Hindi ka magpapauto at magpapakatanga sa walang kwenta.
At ang sagot sa tanong na BAKIT MAY MGA TAONG AYAW KANG MAWALA PERO HINDI KA NAMAN KAYANG ALAGAAN NANG TAMA, sadyang may mga taong hindi marunong magmahal.