Sa buhay, parati namang totoo yan.
Kung inaapi ka, bakit ka magpapaapekto? Kung inaalipusta ka, bakit ka hahagulgol sa sulok? Kung may umaaway sayo, bakit mo rin aawayin? Kung may humihila sayo pababa, bakit ka magsusumbong sa iba?
Ang nararapat gawin ay maghiganti.
Pero hindi ganun kadali maghiganti dahil siguradong ang pinaniniwalaan ng nakararami ay kesyo masama ito, hindi ito maganda, hindi ito mabuting gawain, atbp. Ang hindi nila alam, merong mga tamang paraan sa paghihiganti.
Eto yung mga tipo ng paghihiganti na walang sinasagasaan, walang tinatamaan, walang ginagawang masama. Eto yung paghihiganting tama.
Malinaw namang nakasaad sa kataga na ang pinakamainam na paraan ng paghihiganti ay sa pamamagitan ng pagkamit ng tagumpay sa kahit na anong aspeto ng buhay.
Ibig sabihin, hindi ka dapat magpaapekto. Hindi ka dapat humagulgol sa sulok. Hindi ka dapat mang-away. Hindi ka dapat magsumbong sa iba. Ang kailangan lang ay manahimik at magpursige sa buhay. Wag pansinin ang mga umaalipusta sayo. Sa halip, ipakita mong hindi ka apektado sa mga ginagawa sayo.
Sa maniwala ka't sa hindi, mas aangat ka sa taong nang-aapi sayo. Kumbaga sa karma, ikaw ay nagkamit ng good karma. Hindi mo lang sila mapapataob, ikaw mismo ay mapapatambling sa taas ng tagumpay na natatamasa mo sa buhay.
Hindi ka na nga gumawa ng masama sa kapwa kahit ginagawan ka na ng masama, ikaw pa ang may bonus. Maganda na buhay mo, nakapaghiganti ka pa na walang dinadamay na kahit sino.
Kaya sa susunod na mapapaisip kayong maghiganti sa brutal na pamamaraan, ang isipin niyo na lang ay kung paano niyo sila mahihigitan. Sa bandang huli, makikita at magiging malinaw kung sino ang tunay na kawawa at talunan. Kung sino ang pilit hinihila pababa, yun ang tumataas at titingalain.
Wala yan sa yabang. Di yan nakukuha sa lakas ng apog. Nasa determinasyon yang magpataob ng kaaway sa mabuting paraan gamit lamang ang tamang pag-iisip at hindi dinadaan sa dahas.