Pero napakalaking pagkakamali ng mga komentong ito.
Ang Zombadings 1: Patayin sa Shokot si Remington ay isang independent comedy film na hindi lang basta nakakatawa. Marami rin itong ipinakitang isyu sa lipunan na kapupulutan ng aral.
Una na rito ang diskriminasyon. Naparusahan si Remington dahil sa pangungutya niya sa mga bakla. Pinapakita nito ang masamang epekto ng maliit na tingin sa mga binabae. Kung lahat ng taong pinagtatawanan ang mga bakla ay makakakuha ng ganitong parusa, siguradong wipeout ang mga tunay na lalake sa mundo.
Pangalawa, ang homophobia ng serial killer na target paslangin ang mga bakla. Pinapakita nito ang katotohanan na marami rin ang may galit sa mga bading na tingin sa mga ito ay salot sa lipunan, kahihiyan at dapat burahin sa mundo.
Pangatlo, ang katotohanang maraming pusong-babae ang hindi pa naglalantad dahil sa takot o hiya. Pinapakita nito na kahit gaano pa kabrusko ang pisikal na anyo, hindi maitatago at hindi dapat ikahiya ang tunay na nararamdaman.
Pang-apat ay ang makabagbag-damdaming linya tungkol sa pagiging ama ng isang bakla. Maraming bakla na haligi pa rin ng tahanan. Hindi dahilan o hadlang ang kanilang napiling kasarian para sa pagtataguyod ng pamilya sa marangal na paraan.
Sa kabuuan, napakagaling ng pagganap ni Mart Escudero bilang Remington. AWAAAARD talaga ang pagiging bakla niya. Panalo ang "best-friends-turned-gay-lovers" scene nila ni Kerbie Zamora bilang Jigs.
All-star cast ang pelikulang ito at marami ring cameo roles. Sa buong takbo ng pelikula, may mga hindi inaasahang eksena at mga rebelasyon. Tiyak na mababanat ang panga ng manonood dahil sa sobrang katatawanan na hatid nito.
Higit sa lahat, pagkatapos mong panoorin ito, marunong ka nang magsalita ng gay lingo.