Hindi naman talagang problemang matindi ang tinutukoy ko. Ang isyu dito ay ang tinatawag nilang "career path" o yung pagsasakatuparan ng rason kung bakit tayo nag-aral ng kolehiyo.
Sa hirap ng buhay ngayon, aabutin ka ng matagal na panahon bago ka magkaroon ng trabaho. Kadalasan, malayo pa sa pinapangarap mo. Yung iba, swerte. Karamihan, malas.
Malas dahil hindi nila gusto ang kinabagsakan nilang trabaho. Kahit ano na lang dyan, basta may "source of income" ika nga. Hindi naman desperado ang mga taong ito. Mahirap lang talaga sa bansang Pilipinas. Isa rin itong pagpapakita na sadyang matiyaga ang mga Pilipino na kahit mahirap, tuloy lang ang buhay.
Para sa mga kabataan, mahirap pang himayin at alamin kung ano ang kanilang tunay na gustong gawin sa buhay. Sa makabagong panahon kasi ngayon, napakaraming pwedeng pagkaabalahan ng mga tao. Pero sa napansin ko sa iba at sa naranasan ko, kusa mo itong madidiskubre sa sarili mo. Kusang darating sayo ang "divine intervention" na magtuturo ng tamang daan sa dapat mo talagang kalagyan sa buhay.
At itong daan na ito ay may hagdan. Lahat ng tao umaakyat dito. Siguro pwede na rin natin siyang tawaging "ladder of success" gaya ng sinasabi ng iba.
Totoo ang hagdan ng tagumpay. Magsisimula ka sa ibaba. Hindi yan escalator o elevator na mabilis ang serbisyo at sa isang iglap ay nandun ka na sa taas. Isa-isa mong hahakbangan ang hagdan pataas. Nagsisimula ka sa mababa at tataas nang tataas sa paglipas ng panahon. Maaaring di ka pa kuntento sa kinalalagyan mo, pero lahat ay "step by step" at hindi agad-agad makakamtan nang ganun kadali. Lahat ng proseso, pagdadaanan mo.
Sa bawat hakbang, may karanasang napagdadaanan. Sa bawat hakbang, may nalalagpasang pagsubok. Sa bawat hakbang, may panibagong simula.
At dahil hagdan ito, hindi pwedeng manatili ka na lang sa isang hakbang. Dapat unti-unti kang umaangat papalapit sa tuktok.
Kung napapansin mong hindi ka na gumagalaw sa pwesto mo at wala ka nang asenso sa pag-akyat, kailangan mong pag-isipang mabuti kung masaya ka na sa ganung lagay. Suriin mong mabuti ang sarili mo kung itutuloy mo pa ang pag-akyat. Malamang oo. Kung ganun, pag-aralan mong mabuti kung ano ang nararapat gawin para makagalaw ka ulit. Alamin mo kung ano ang problema at kung saan ka nagkamali. Kadalasan, sa desisyon at rason lang nagiging malabo.
Sa buhay, lagi namang hindi pa huli ang lahat. Dahil nga hagdan ang dinadaanan natin, kailangan lang ng mga "hakbang". Hindi lang literal na hahakbang sa hagdan, kundi ang pag-iisip at paggawa ng tamang hakbang para maabot ang tagumpay.
Kaya wag mawalan ng pag-asa at wag magsawa sa pag-akyat ng hagdan. Tiwala sa sarili, sikap, at tiyaga lang ang katapat. Pasasaan ba't maabot din natin ang rurok ng tagumpay!