Nabasa ko lang ito dyan sa tabi-tabi. Nakuha nito ang atensyon ko dahil may katuturan at magandang ipaliwanag pa ng lubusan.
Ang nais iparating ng mensaheng ito ay ang pagkakaiba ng tampo at galit. Siguro ay marami sa atin ang hindi nakakaintindi ng pinagkaiba ng dalawa kaya madalas ay nagkakaroon ng mga di pagkakaunawaan. Ayon sa mga katagang iyan, ang tampo ay dapat nating ituring na isang espesyal na emosyon. Ito ang tawag sa magaan na bersyon ng galit na nararamdaman natin sa mga taong hindi natin kayang mawala. Sa kabilang banda, ang sukdulang nararamdaman kapag may hindi tayo nagustuhan sa ibang tao ay galit na mismo. Brutal, sagad ang pasensya, at kasuklam-suklam ayon sa kataga.
Sa unang tingin, parang pinapatamaan nito ang sitwasyon ng mga magkasintahan. Oo, pero pwede rin itong magamit sa iba pang uri ng pakikisama natin sa tao. Halimbawa ay sa pamilya at mga kaibigan. Maaari tayong magtampo sa magulang at kapatid natin pero hindi natin sila kinamumuhian. Pwede tayong magtampo sa mga kaibigan pero hindi natin sila kinasusuklaman.
Hindi naman pwedeng magtampo sa driver ng taxi dahil may dugas ang patak ng metro nya diba? Hindi rin pwedeng magtampo sa holdaper na kumuha ng cellphone mo. Hindi mo pwedeng ikwento sa iba na “sobrang nagtampo ako sa manong guard kasi binuksan lahat ng gamit ko kaya ako na-late sa klase,” dahil hindi nga naman nababagay o hindi akma ang salitang ginamit.
Isa pang nakatawag ng aking pansin habang pinag-aaralang mabuti ang katagang ito ay ang aking sariling obserbasyon. Kung ating iisipin ng mabuti, ang tampo ay di hamak na mas mabilis maglaho kaysa sa galit. Kapag nagtatampo tayo sa isang tao, konting lambing lang o di kaya’y makalipas lamang ng ilang oras ay wala na ito at kusang naglalaho. Pero pag nagagalit tayo, nananatili pa sa sistema natin ang ating nararamdaman hanggang isang araw o umaabot ng mahigit pa. Madalas ay hindi pa natin kaagad nalilimutan kung ano ang nagpagalit sa atin. Matindi talaga ang pagsalanta ng galit at matagal maibsan.
Kaya dapat alam natin kung kelan at kanino sasabihin ang “nagtatampo ako sayo!” at “galit ako sayo!” para kahit papano ay may basehan tayo sa ating nararamdaman.