Maraming tao ang bulag sa importansya ng isang bagay. Halimbawa, may gamit kang pinaka-iingat-ingatan. Para sayo, higit pa sa buhay ang halaga ng simpleng bagay na yon. Pero sa mata ng iba, basura o kalat lang yon na dapat nang itapon.
Kadalasan, hindi naiintindihan ng iba na ang tao ay hindi magkakapareho. Kahit ang magkakapamilya o magkakamag-anak ay hindi magkakatulad. Ang mali ng iba, pilit nilang sinasabi o pinagagawa na dapat magkakapareho ang magkakadugo.
Hindi tayo clone ng mga magulang natin. Hindi tayo carbon copy ng mga kapatid natin. Kaya bakit kailangang ipagpilitan na magkakapareho ng pananaw at pag-iisip?
Kaya nga tayo ginawa na magkakaiba ang finger prints dahil sa pagiging unique natin sa bawat isa. Lahat tayo ay tao pero magkakaiba. Walang dalawang tao na magkatulad sa lahat ng aspeto. Iba-iba tayo ng takbo ng isip, iba-iba tayo ng mga nararamdaman, iba-iba tayo ng mga pinagdadaanan sa buhay, iba-iba tayo ng pananaw.
Maaaring ang walang kwentang bagay para sa atin ay ginto para sa iba. Maaaring ang basura sa mata ng ibang tao ay may importansya para sa atin.
Kaya nga tulad ng paghuhusga sa ibang tao, hindi rin natin pwedeng husgahan ang halaga ng isang bagay para sa iba. Dahil iba-iba ang pananaw ng tao, iba rin ang tingin natin sa paligid natin.
Ang dapat gawin, laging tandaan ang kataga sa itaas at magbigay-respeto sa pananaw ng ibang tao. Ito ay bilang pagbibigay-galang na rin at pagtanggap na ginawa tayong lahat ng Diyos na magkakaiba.