Ang mensaheng ito ay para sa mga “bitterinarian” sa kanilang mga sariling buhay.
Kung mapait pa rin ang damdamin mo ngayon, ibig sabihin ay hindi mo pa napapatawad ang taong nanakit sayo. Bakit dala-dala mo pa rin yan? Hindi mo ba kayang magpatawad at ipagpatuloy ang buhay na masaya at magaan? Gusto mo bang magkaron ng karamdaman, tumanda agad, at pumangit?
Sa buhay, hindi natin maiiwasan na makasakit ng damdamin o masaktan mismo. Lalong lalo na ng mga taong mahalaga at mahal natin. Ang buhay natin ay umiikot sa pagmamahal — sa magulang, kapatid, kaibigan, anak, asawa, kamag-anak, boyfriend, girlfriend, at iba pang mahal sa buhay. Tayo rin ay nabubuhay sa pamamagitan ng mga taong nagmamahal sa atin. Kung ating iisipin, ang rason ng karamihan sa mga nagpapakamatay ay dahil wala ng nagmamahal sa kanila. Ang pakiramdam ng minamahal at nagmamahal ay napakahalagang emosyon na dapat pangalagaan.
Sinasabi na hindi marunong magmahal ang isang tao kung hindi sya marunong magpatawad. Totoo ito. Walang karapatan ang isang tao na sabihing marunong syang magmahal at sya ay nagmamahal kung hindi nya kayang magpatawad. Nakasaad na mismo sa kataga na ang pagmamahal ay pagpapatawad, at ang pagpapatawad ay pagmamahal. Paano mo nga naman nasabing nagmamahal ka o marunong kang magmahal kung puro galit ang laman ng puso mo? Ang pagmamahal ay dapat na masaya. May masaya bang mabigat ang dinaramdam? Paanong may maglalakas-loob na mahalin ka kung dala-dala mo pa rin sa puso mo ang pait ng nakaraan na ayaw mo pang bitawan?
Mahirap mabuhay na may mabigat na dinadala sa puso. Hindi gagaan ang pakiramdam at ito ay makakaapekto sa pangkalahatang aspeto ng buhay natin. Kung hindi ka matututong magpatawad, pakawalan at bitawan ang mabigat na saloobin, at magpatuloy sa masayang agos ng buhay, kailanman ay hindi ka magtatagumpay o makakamit ang kaligayahan. Apektado pati ang pagiging progresibo ng ginagawa mo sa araw-araw. Puro negatibo ang masasagap mong enerhiya na magpapabagsak sayo at sa buo mong pagkatao.
Totoong mahirap magpatawad. Hindi kaagad-agad ay kayang palagpasin at kalimutan ang anumang nagpasakit o nagpahirap sa damdamin natin. Pero hindi ibig sabihin na kapag mahirap magpatawad ay hindi na magagawa ito. Paano ka magsisimulang muli at magpapatuloy sa buhay kung hindi mo isasara ang mapait na nakaraan? Paano maghihilom ang sugat sa puso mo kung hindi mo naman ito ginagamot?
Kaya may mga taong kung tawagin ay bitter o emo, ay dahil may mabigat silang dinaramdam na hindi pa nila mabitawan. Nakakulong sila. Makakalaya lamang sila kung matututo silang magpatawad at magmahal, at tuluyang makita ang ganda ng buhay kapag magaan ang pakiramdam.
Ang pagpapatawad ay isang mahalagang pagpapakita ng pagmamahal sa kapwa bilang isang ordinaryong tao. May kaugnayan man kayo o wala, masasabing mahal mo ang kapwa mo kapag pinapatawad mo sya sa anumang bagay na gawin nya.
Tayo ay tao lamang. Nabubuhay. Nagmamahal. Nagpapatawad. Kung ang Diyos ay marunong at kayang magpatawad ng kahit sino, tayo pa kaya?