Talaga naman. Dahil ang masama ay yung nagsisinungaling at plastik.
Maraming klase ng pagiging totoo. Una sa Diyos. Given at understood na yon. Meron ding pagiging totoo sa kapwa. Dun nagsisimula ang mga isyu sa pakikisama at pakikisalamuha sa ibang tao. Ang isa pa ay ang pagiging totoo sa sarili.
Mahirap lokohin ang sarili. Dahil doon nagsisimula ang hindi pagiging totoo sa Diyos at sa kapwa. May kasabihan na "sa ating mga sarili nag-uumpisa ang lahat". Ibig sabihin, kung hindi tayo nagpapakatotoo, hindi na rin magiging totoo ang mga kilos at sinasabi natin.
Maraming mga reality shows ang nagsusulputan sa telebisyon. Lagi nilang pinupuntirya ang kahalagahan ng pagpapakatotoo ng mga sumasali dito. Nakasalalay sa pagiging totoo ang premyo at pagkapanalo.
Minsan naman, may mga negatibong reaksyon na natatanggap sa tuwing nagpapakatotoo. Natural lang siguro sa tao na magulat sa pagiging prangka ng kahit sino.
Pero wala naman talagang masama sa pagiging totoo. Ang mahalaga ay nasa lugar ang pagpapakatotoo. Basta may punto, may katuturan, at may katotohanan ang sinasabi o ginagawa. Basta bukal sa loob at walang halong kasinungalingan.