Kapag nagkakasakit ako, hindi ko maiwasang hindi mag-isip. Bukod sa sakit na dinaranas ko, naisip ko kung bakit ako nasasaktan. Pati ang mga bagay na nakakasakit sa akin, naisip na rin. Lahat ng bagay.
Habang iniisa-isa ko ang mga bagay na yon, naisip ko na naman kung bakit kailangan ko pang makaranas ng matinding sakit ng katawan bago ko mapagtanto ang mga ito.
Umiikot lang ito sa salitang SAKIT. Iba-iba man ng kahulugan, yun pa rin ang bagsak.
Maraming uri nito. May pisikal, mental, at ang pinakasikat ay ang emosyonal. Sa pisikal, maiisip ang mga karamdaman. Sa mental, uso ang pagod na dulot ng pag-aaral o pag-iisip. Sa emosyonal naman, lalabas ang pangalan ng mga tao na may kinalaman sa iyong damdamin.
Iba ang ibig sabihin ng “ikaw ay nagkasakit” sa “ikaw ay nasaktan” at sa “ikaw ay nagpakasakit”. Minsan, kung nagkasakit ka, hindi ka agad maiiyak. Pero kapag nasaktan ka, ibang usapan na yan. Iiyak ka na talaga. Maaaring pisikal na nasaktan o emosyonal na nasaktan. Anu pa man, di hamak na mas may epekto ito sayo kaysa sa sakit mo.
Bakit nga ba tayo nasasaktan?
Naitanong mo na ba yan sa sarili mo? Malamang ang madalas na sagot ay “syempre tao tayo na nagmamahal” o di naman kaya madadamay pa ang isip at damdamin. Pati kaluluwa na rin.
Di naman kasi lahat ng tao nasasaktan. May mga taong manhid.
May damdamin pero walang pakiramdam.
May utak pero hindi nag-iisip.
May puso pero hindi sinusunod.
May kaluluwa pero walang awa.
Kaya ang mabuti pa, wag nyo na hintayin na maospital kayo bago nyo malaman kung gaano na kayo nagkasakit at nasaktan. Laging tandaan na hindi ka manhid para hindi mo maramdaman yun.