Narito ang ilang senyales na hindi ka masaya sa work mo ngayon at kailangan mo nang hanapin ang talagang gusto mo sa buhay. Basahin at tingnan ang sarili kung nasa dapat ka nga bang kalagyan o kailangan mo nang mag-alsabalutan.
*** Naghahangad ka pa ng mas malaking kita.
Importante ang sweldo sa criteria na tinitingnan ng isang aplikante sa panahon ngayon. Kung hindi ka kuntento sa kinikita mo sa kasalukuyang trabaho, ibig sabihin may gusto ka pang makamit pero hindi mo maabot. Hindi ka masaya sa natatanggap mong kapalit ng paghihirap mo.
*** Nababagot ka sa mga ginagawa mo.
Kung lagi kang inaantok at kung anu-ano ang pinagkakaabalahan mo sa trabaho para lang may magawa, ibig sabihin may iba ka pang gustong gawin na siguradong hindi iyan. Hindi ka masaya at bored ka. Paano ka uunlad kung may gusto kang gawin na hindi mo nagagawa?
*** Napag-iiwanan ka na sa pwesto.
Kung ikaw na lang ang hindi pa napo-promote, kung ilang taon ka na sa trabaho at wala pa ring nangyayari sa lebel ng career mo, aba! Mag-isip-isip ka na. Baka hindi ka para diyan. Kumbaga, no room for achievements. Kailangan mo ng trabahong you will surely grow.
*** Natatakot kang mawalan ng trabaho.
Sa panahon ngayon, napakahirap humanap, napakahirap magkaroon, at napakahirap mag-maintain ng trabaho. Kung dahil lang sa takot mapabilang sa mga unemployed kaya ka napilitan sa trabahong iyan, subukan mo nang humanap ng stable at gusto mong pagkakakitaan.
*** Naghahanap ka ng ibang trabaho habang nasa trabaho.
May dahilan kung bakit patuloy ka pa ring naghahanap ng trabaho kahit may trabaho ka na. Siguro, ayaw mo lang aminin sa sarili mo na ayaw mo talaga ng ginagawa mo at naghahanap ka ng iba pa na pwedeng lipatan. Hindi ka kuntento sa trabaho mo kaya humanap ka na ng iba.
*** Tinatamad kang gumising sa umaga para pumasok.
Kung gusto mo talaga ang ginagawa mo, hinding hindi ka tatamarin kahit kailan. Kapag tinatamad ka, siguradong ayaw mo ang trabaho at gusto mo nang sumuko. Kumbaga, wala kang something you look forward to. Sa gusto mong trabaho, tiyak na gaganahan ka at laging maaga.