Isa na naman pong kwento ng kakaibang pag-ibig ang ating matutunghayan dito sa “Maiwawala Mo Kaya sa Facebook” o mas kilala sa tawag na MMK sa FB.
Dear Chiaro,
Ako po ay isang maskuladong bading na nakakita ng isang lalakeng panghabang buhay na mamahalin sa pamamagitan ng aking ex girlfriend. Itago niyo na lang po ako sa pangalang Northeast.
Hindi ko akalaing sa aking bagong trabaho ay makakahanap din ako ng panibagong pag-ibig.
Nung una ay kinaaayawan niya ako at kinasusuklaman, subalit sa paglipas ng panahon, napansin naming nahuhulog na ang loob namin sa isa’t isa.
Kaya lang Chiaro, may pangamba akong naramdaman. Sa pag-ibig ko sa panibagong lalake sa aking buhay ay lalo kong masasaktan ang tanging babaeng minahal ko.
Hindi ko kasi inamin sa aking dating nobya ang totoong dahilan ng aking pakikipaghiwalay sa kanya. Pinaniwala ko siyang kailangan ko lang ng space at patuloy ko siyang pinaasa na darating din ang tamang panahon para sa amin.
Oo Chiaro, inaamin ko, ako’y isang macho gwapito. Pero hindi ko maikakaila ang tunay kong pagkatao.
Sa ilalim ng maskulado kong braso ay ang pagkataong di ko magawang aminin kanino man.
Isa akong bading, Chiaro.
Napakahirap sa akin na aminin sa mundo, maski sa aking sarili ang katotohanang ito. Pinagpatuloy ko ang pagbabarbell sa paniniwalang matatakpan ng muscle ang hinagpis sa aking damdamin. Inisip kong maitatago ng aking lalakeng pigura ang babae kong puso.
Ngunit kahit anong tigas ng muscles ko, bumigay naman ang puso ko. Palihim akong umibig sa aking katrabahong lalake.
Pakunwari akong may kailangan sa kanya para lang makalapit. Habang tumatagal, marami akong nadidiskubreng similarities namin, Chiaro.
Senyales na ba ito, Chiaro?
Tuliro na ako, Chiaro. Gusto ko nang lumantad ngunit natatakot ako na masira ang aking career. Nagsisimula pa lang ako sa larangang ito. Ngunit kahit hindi pa ako lumalantad, Chiaro, mukhang masisira na ang aking career dahil lagi akong wala sa sarili.
Lagi akong sumasabit, sumasablay, pumapalpak sa aking trabaho at umabot na ito sa puntong nabigyan ako ng warning.
Chiaro, ang naiisip kong tamang gawin ngayon ay ang umamin na lamang nang hindi na ako tuluyang maging tuliro. At nararamdaman kong ilan sa aking mga kaopisina’y nararamdaman na rin ang aking tunay na seksuwalidad.
Pero wala na akong pakialam doon, Chiaro. Ang mahalaga sa akin ngayon ay ang tunay kong nararamdaman. Ang tunay na laman ng aking isip. Ang tunay na tinitibok ng aking puso. O Chiaro, sana sa pamamagitan ng aking kwentong salaysay na ito ay matulungan akong mapalapit sa kanya ng tuluyan. Todo todo highest level to the max na itetchiwa!
Matuloy kaya ang pag-iibigang wagas? Abangan ang susunod na tagpo sa pagpapatuloy ng ating kwentong pinamagatang “Barbell” dito lang sa Maiwawala Mo Kaya sa Facebook. Ako po ang inyong lingkod, si Madam Chiaro.