Isang sikat na brand ng mga produktong gawa sa plastik.
Isang sikat na taguri sa mga taong plastik o may kaplastikan sa buhay.
Sa buong buhay natin sa mundong ibabaw, napakaraming orocan na nakakasalamuha natin sa araw-araw. Iba't ibang tao, iba't ibang pamamaraan, iba't ibang mukha ng kaplastikan sa kapwa.
Isang malalim na kasabihan ang pamagat nitong isyu ngayon. "If ORO CAN, oro will" -- ibig sabihin, kung kaya nilang makipagplastikan sa iba, kayang kaya nilang makipagplastikan sayo.
Madalas nangyayari yan sa araw-araw na pakikipagsalamuha natin sa mga tao. Usong uso yan sa magkakaibigan, magkakaklase, magkakatrabaho, magkakamag-anak, at magkakapitbahay. Halimbawa may lumapit sayo at nagkwento tungkol sa pamamlastik niya sa iba. Hindi malayong ganun din ang gawin o ginagawa niya sa iyo -- magkukwento siya sa iba tungkol sayo.
Pero depende pa rin yan sa samahan o relasyon ng taong nagpaplastikan. Halimbawa, hindi na kailangan pang makipagplastikan ng nanay mo sa iyo. Sinasabi ng deretsahan, mata sa mata, ang kung anumang komento o papuri na nararapat sayo. Ganun din sa matalik na kaibigan o barkada. Walang halong eklavu o chuvaness. Walang "something".
Dahil dito, ang madalas na makipagplastikan ay yung mga hindi gaanong malapit sa isa't isa. Yung mga ayaw makipag-close at yung hindi open sa nararamdaman. Kahit gaano na kayo katagal magkasama o magkakilala, basta ayaw sayo ng tao, siguradong may nangyayaring plastikan, mild man yan o severe.
Ayon sa isang trivia, mas nararamdaman ng taong hindi plastik na pinaplastik siya kumpara sa taong plastik na pinaplastik din. Ibig sabihin, wag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin sayo.
Pero higit sa lahat, ang mga nilalang sa mundo na tinatawag na tao ay sadyang may kaplastikang taglay. Hindi natin ito maikakaila. Sa buong buhay natin, hindi pwedeng hindi tayo nakapamlastik ng kapwa ni minsan. Iba-iba nga lang ng lebel ng pagkaplastik. Kumbaga sa Orocan, may imitation na trying hard, may pipichugin na saglit lang wala na, may original Orocan na matindi at matibay.
At kung buo ang pamagat, eto ang tunay na mensahe --> "IF ORO CAN, ORO WILL REGRET"