Ang yogurt ay isang produktong gawa sa gatas na nalilikha sa pamamagitan ng pagbuburo o pag-ferment ng bacteria sa gatas. Ang fermentation ng lactose ay nakakabuo ng lactic acid at humahalo sa milk proteins na siyang nagbibigay ng kakaibang lasa at anyo nito.
Ang frozen yogurt ay kabilang sa mga frozen dessert. Ito ang pinakamainam na alternatibo sa nakakatabang ice cream o sorbetes. Kumbaga sa mga patalastas ng pagkain, busog sa nutrisyon ang frozen yogurt kumpara sa iba pang uri ng minatamis. Ito ay 98% fat-free, low-calorie, walang cholesterol, siksik sa prebiotics, probiotics, protein, calcium, riboflavin, vitamin B6, at vitamin B12. Mas masustansya pa nga ito sa ordinaryong gatas.
Ang isa pang maganda sa frozen yogurt, makakain ito ng mga taong lactose-intolerant. Ito ay dahil ang lactose sa gatas ay nagiging lactic acid na sa yogurt. Bukod sa sari-saring health benefits ng yogurt, mainam na pampapayat din ito.
Kung mapapansin natin sa mga naglipanang tindahan ng frozen yogurt, mistulang ice cream lang ang mga ito kaya mabenta. Nagkaroon na ng iba't ibang flavor at nilalagay na rin sa cup at cone. Maaari pang lagyan ng kung anu-anong toppings.
Ang mga sikat at mauugong na bilihan ng frozen yogurt dito sa Pilipinas sa ngayon ay ang Red Mango, The White Hat, Yoh-gurt Froz, at marami pang ibang nagsusulputan.