Kahapon ng tanghali, naka-special coverage pa ang pagbabalik sa kulungan ni dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Zaldy Ampatuan mula sa ospital.
Kinagabihan, may special screening naman ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ng DEADLINE (THE REIGN OF IMPUNITY) -- isang pelikulang hango sa mga kaganapan ng Maguindanao massacre.
Isa ako sa mga mapalad na nakapanood nito. Kasama ko ang kaibigan kong kumukuha ng Master of Arts in Journalism sa Unibersidad ng Pilipinas. Sa kabuuan ng independent film na ito, nakailang beses siyang nagmura at nagulat. Siguro dahil ito ang kanyang "self-expression as a reaction" sa mga eksena sa pelikula o yun na lang ang masasabi niya sa konsepto na pinaghuhugutan ng eksena. Siguro parehas.
Sensitibo kasi ang tema ng pelikulang ito. Hindi ito tulad ng mga tipikal na indie film na puno ng simbolismo at kailangan ng malalimang pag-iisip. Dito sa DEADLINE, nakahain na lahat sa mga manonood. Mapapamura ka talaga sa realidad ng mga nagaganap sa bansa natin. Magugulat ka talaga sa mga matutuklasan mo sa pelikulang ito. Di ka makakapaniwala na ganun pala yun. Kahit fictional ang mga pangalan ng tao at lugar, kitang kita ang paralelismo sa tunay na buhay.
Kung iintindihing mabuti at oobserbahan ang ilang karakter at mga linya sa pelikula, talagang may mga matinding patama sa pulitika. Makikita kung gaano kagahaman ang mga tao, basta pera at kapangyarihan ang pinag-uusapan.
Habang nanonood ako, sa isip ko: "Buti na lang, hindi ako tumagal sa dyaryuhan. Buti na lang, hindi ko forte ang pagsusulat ng balita. Buti na lang, hindi ko passion ang pulitika".
Para sa akin, dapat mapanood ito ng mga ordinaryong tao. Ang alam kasi ng iba, simpleng masaker lang ang naganap. Hindi nila alam ang katotohanan sa likod nito. Wala silang kamalay-malay sa misteryo at milagrong namamagitan sa mga matataas na opisyal na akala nating mabuti ang pamamahala. Hindi nila ramdam ang panganib sa buhay ng mga mamamahayag na naglilingkod sa bayan. Wala silang pakialam sa nagiging epekto nito sa atin bilang mamamayan ng Pilipinas.
Sa kabuuan, isang matapang na obra maestra ang pelikulang ito. Maganda ang napakita at ginawa ang cast and crew, maihayag lang ang katotohanan. May drama, brutalan, aksyon, tensyon, panggulat at katatawanan (naging hyper ang mga manonood nang biglang naging boses ni Ate Glow ang babaeng hindi pinapakita ang mukha).
Narito ang trailer ng pelikula.
(If I were to describe this movie in one word, it would be “eye-opener”)