Yan lang ang kailangan kapag may kasalanan ka sa batas at gusto mong kumawala sa mga pananagutan. Sa bawat kasong hinahawakan ng korte sa araw-araw, kahit anong bigat ng pagkakasala, mas pinapaboran pa rin ang mga magaling umarte at may mga drama sa buhay.
Ang mga Pinoy nga naman. Dinadaan lagi sa estado ng buhay at hindi sa bigat ng kasalanang nagawa. Nagpapadala rin sa awa at sa katagang "SIGE NA, PARA MATAPOS NA" at hinayahaan na lang na parang walang nangyari.
Lahat ng desisyon ay nagiging pabor sa kung sino ang kawawa. Porket walang alam, walang pera, walang trabaho, maraming anak, at kung ano-ano pang kadramahan sa buhay, dapat talagang kampihan ang maysala kahit mabigat ang kaso laban sa kanya.
Di ko alam kung sadyang tamad lang ang mga tauhan ng korte at ayaw nila ng abala, o nadadaan ang pagkilos nila sa "pera-pera lang", o talagang may problema sa sistema ng hustisya sa bansa. Di na rin kataka-taka kung walang umuusad na kaso at walang nakakamit na hustisya kapag mahirap ang salarin.
Nakakaasar lang maging biktima ng krimen at pagkatapos ay magiging biktima pa rin ulit ng mga taong inaasahan mong magbibigay sayo ng abot-kamay na hustisya.