Hindi ako botante dahil di pa rin ako rehistrado hanggang ngayon sa edad kong ito. Oo, sayang nga ang boto ko ngayong darating na eleksyon. Sayang din ang mga perang pinapamigay ng mga kandidato. Hahaha! Biro lang.
Sabi sa mga kumakalat na balita, ang mga surveys at campaign materials daw ang nagdidikta kung sino ang mananalo sa eleksyon. Naniniwala ba kayo dun?
Syempre ako hindi. Una sa lahat, ang survey ay karagdagang impormasyon lamang. Ang mga lumalabas na resulta sa mga survey ay hindi sapat para sabihin na yun ay kabuuan ng lahat ng mga Pilipino. Parte lang ng populasyon ang ginagamit sa mga survey. Isa itong guide at hindi repleksyon ng tunay na saloobin ng mga Pilipino sa buong mundo.
Pangalawa, ang campaign materials ay paraan lang ng pagpapakilala ng isang kandidato sa mga botante. Hindi maididikta ang magwawagi kung ang pagbabasehan lang ay ang dami ng mga ginagamit sa pagpo-promote. Kahit gumastos pa ng gumastos, kahit abutin pa ng gazillion pesos, kahit lahat ng sulok ay tadtad ng mukha, boses, at patalastas ng isang kandidato, wala itong maitutulong kung ayaw talaga sa kanya ng madlang pipol.
Pangatlo, hindi ito paligsahan kung sino ang may nagawa o para sa bayan. Hindi ito paramihan ng nagawa. NAGAWA = PAST. Nakaraan na yun. Bakit inuungkat pa? Bakit ipinagsisigawan pa sa madla? Para ano? Magpasikat? Saan? Sa Showtime?
Ang pinaglalabanan dito ay kung sino ang tunay na may magagawa para sa bayan. Di na kailangan ng pagpapasikat sa mga nagawa na. Tapos na yun. Dapat harapin ng mga nag-aasam ng pwesto ang nangyayari sa kasalukuyan. Kung paano nila masosolusyunan ang mga problema. Wala namang maitutulong yung mga dati nilang nagawa sa nararanasan natin ngayon eh!
Kaya naman sa panahon ngayon, lalo na sa darating na ika-sampu ng Mayo, kayo muna si Batman. Nakasalalay sa inyo, mga kababayan kong Pilipino, ang kinabukasan ng ating bayan. Matalino si Batman kaya dapat ay isiping mabuti ang mga nabasa nyo dito. Suriing mabuti ang pangalan na katabi ng bilog na hugis itlog bago nyo itiman.
Kayo ang bahala.