Tahimik ang FX kapag hindi mahilig mag-soundtrip ang driver o kaya hindi na-customize ang FX niya at walang sound system. Tahimik din kapag walang pasahero na magkakilala at walang nag-uusap.
Maliban na lang kung may isang ale sa likod na nag-ring ang Blackberry kuno. Bigla niyang kakausapin ang sarili niya ng “Sino naman ito?” at matagal na papaingayin ang Bruno Mars ringtone niya na naka-maximum volume pa.
Mayabang. Yan ang maiisip ng ibang pasahero sa ganung klase ng kulang sa pansin.
"Hello!" biglang sigaw ng ale.
"HELLO!" mas lalo niyang nilakasan na parang hindi niya marinig ang nasa kabilang linya. "O, SINO ITO?"
Konting katahimikan. Nagulat ang ibang pasahero.
"O IKAW PALA [insert name here]! NASAAN KA?"
Konting katahimikan ulit. Napapalingon na ang ibang pasahero na kaya pang gumalaw sa sikip.
"P*****I**! BAKIT NGAYON KA LANG TUMAWAG KUNG KAILAN PAUWI KA NA? BWAHAHAHA! PUNTA KA SA BAHAY NGAYON!"
Sa ilang segundong katahimikan sa pagitan ng bawat pagsasalita ng ale, parang nawasak ang tutuli ng mga pasahero. Pati si manong driver, biglaan na kung magpreno. Gusto sigurong tumalsik ang Blackberry kuno ng ale at matapos na ang delubyo sa loob ng kanyang FX.
"AY P**Y*** KA! AKO MATABA PA RIN! KAILAN BA TAYO MAGKIKITA? AKO GAME NA GAME AKO! ANYTIME PWEDE BASTA WALANG PASOK ANG MGA BATA!"
Parang sasabog ang FX sa lakas ng boses ng ale. Wala namang naglalakas-loob sa iba pang pasahero na magparinig o anuman.
"HOY L*C** KA, NAKITA MO NA BA YUNG ANAK NI [insert name here]? NAKU NAKITA KO SA FACEBOOK! KAMUKHANG KAMUKHA NI [insert name here]! ANG GWAPO NA! PAYAT NA! BWAHAHAHA!"
Sigurado, hiling ni manong driver na bumaba na agad ang aleng iskandalosa, bago pa magsi-babaan ang iba pang pasahero nang wala sa oras.
"OO TEKA, TEKA, PAPARA NA AKO. MANONG PARA LANG DYAN SA TABI!"
Pagkababa ng ale, rinig pa rin ang boses niya sa loob. Nabawasan lang ng volume.
"Paano yung mga bata? Wala ba silang pasok..."
At humarurot na palayo ang FX. Siguro kahit walang driver, aandar mag-isa ang sasakyan. Nakahinga ng maluwag ang mga pasahero. Pati si manong driver ay nakapagmaneho na ulit nang matiwasay.
Iisang bagay lang ang ginawa ng sampung naiwan sa FX: napabuntong-hininga sabay kamot ng tenga.