Totoo yan. Hindi ba't napakasaya ng isang pamilya kung sila ay napapanatiling buo ng mga magulang?
Noong ang mag-asawa ay magkasintahan pa lamang, laging maririnig ang mga pangako ng wagas na pagmamahalan. Grabe mahalin ni lalake si babae. Halos ituring itong prinsesa ng buhay niya. Dapat pangatawanan niya ito hanggang pagtanda nila bilang mag-asawa.
Haligi ng tahanan.
Yan ang tawag sa mga tatay. Pundasyon ng tahanan. Nagtataguyod. Sinasandalan.
Kung wala ang haligi, magigiba ang bahay. Mawawasak ang tahanan. Nakasalalay sa tatay ang pagiging buo, matatag, at matibay ng isang pamilya sa iisang tahanan.
At walang ibang makakapagpanatili ng isang masayang pamilya sa loob at labas ng tahanan kundi ang pagmamahalan ng mga magulang. Sa kanila nagsisimula ang lahat dahil sila ang naglikha sa pamilya. Sila ang gabay ng mga anak. Sa pagmamahalan ng magulang nanggagaling ang saya ng lahat.
Kaya naman, isang mahalagang bagay ang pagmamahal ng tatay sa nanay. Ganun din ang nanay sa tatay. Kapag nakikita o nararamdaman ng mga anak na nagmamahalan ang magulang at mahal ng kanilang tatay ang nanay nila, magiging masaya silang lahat bilang pamilya.
Sa paggunita natin ng araw ng mga tatay, tandaan natin na walang ibang dapat ipagpasalamat sa ating mga ama kundi ang pagiging mabuting haligi ng tahanan at pagpapanatiling buo, masaya, at minamahal ang pamilya.