Ito ang kadalasang pinaniniwalaan ng maraming tao. Ito ang madalas nirarason kapag may mga kasamaang nagaganap sa ating paligid.
Pero hindi na natin dapat ikagulat kung hindi totoo ang kasabihang ito.
Tama. Hindi pera ang ugat ng kasamaan. Walang kinalaman ang kapiraso ng papel o katiting na barya sa mga kaguluhan sa mundo. Oo nga at parating parte o sangkot ang pera sa mga gulo, pero hindi ibig sabihin nito na yun ang pangunahing dahilan ng kasamaan.
Hindi natin maaaring sisihin ang bagay na walang buhay na nananahimik at nagsi-circulate lang sa kamay ng tao. Kawawa naman. Wala na ngang buhay, wala na ngang malay, idadamay pa sa kasamaan na tao mismo ang gumagawa.
Tama na naman. Tao nga ang mismong gumagawa ng kasamaan. Hindi ang pera.
Kasakiman ng tao ang ugat ng lahat ng kasamaan. Sa pagiging sakim ng tao, nadadamay ang pera na inaakala ng marami na siyang may sala.
Ang ibig sabihin ng kasakiman ay greed. Ang taong sakim ay greedy.
Sa kahit anong antas ng pamumuhay, siguradong may taong sakim. Mahirap o mayaman, lahat ay may tinatagong kasakiman. Pag lumabas ang tinatagong kasakiman, dun nakakagawa ng kasamaan. Magmula sa matataas na tao sa gobyerno, pababa sa pinaka-kawawang tao sa iskwater, marami ang nagtataglay ng ugat ng kasamaan.
At sa bansang inuugatan na ng kasakiman, anong kaunlaran pa ang matatamo?
Para maputol ang ugat na ito, kinakailangang magsimula sa bawat tao ang pagtanggal sa pagiging gahaman sa kapangyarihan at kayamanan.