Pero ang tinaguriang "box office hit" ng Cinemalaya 2011 na humakot ng limang parangal -- kabilang na ang Best Actress at Best Picture -- ay simple lang. Magaan ang istorya.
Umiikot ang kwento sa kagustuhan ng isang grupo ng tatlong malilikhaing indibidwal na makabuo ng isang pelikulang pang-international film festival ang kalidad.
Bukod sa problema sa konsepto ng kanilang gagawing pelikula na pinamagatang Walang Wala, nagkaproblema rin sila sa kukuning artista na gaganap na Mila. Gusto kasi nila ng pang-Oscars ang aktingan. Dito papasok si Eugene Domingo na gagampanan ang kanyang sarili.
Pinakapaborito kong parte ang tatlong uri ng pag-arte ayon kay Ms. Eugene -- ang "elevator" acting, "TV Patrol" acting, at "as is, where is" acting. Mapapasabi ka ng, ay oo nga, ganun pala yun!
Maganda ring halimbawa ng "kayabangang Pinoy" ang ipinakita ng karakter na si Arthur Poongbato. Matatawa ka at maaasar sa sobrang yabang.
Para sa akin, kahit hinaluan ng katatawanan ang Ang Babae Sa Septic Tank, marami pa rin itong natalakay na isyu.
Una na rito ang tungkol sa paggawa ng pelikula. Ipinakita ng tatlong karakter na sina Bingbong, Rainier, at Jocelyn ang prosesong pinagdaraanan para makabuo ng dekalidad na obra.
Pangalawa, ang katotohanan na sa isang mahirap na pamilya, mayroon talagang nagpapamigay ng anak kapalit ng pera.
Pangatlo, ang makailang beses na pagpapakita ng laganap na kahirapan sa bansa -- mga iskwater, siksikang eskinita, gabundok na basura, kawalan ng pagkain, at pangangahoy ng sasakyan.
Bonus na lang talaga ang pagkahulog ni Ms. Eugene sa septic tank.
Isa pang kapansin-pansin sa pelikulang ito ay ang epektibong tandem nina JM de Guzman at Kean Cipriano. Kumbaga sa loveteam, mayroon silang chemistry. Swak.
Sa kabuuan, di maikakaila na maging Audience Choice nga ang pelikulang ito.