Naalala ko na naman kanina ang hindi malilimutang linya ng isang ale matapos niyang sagasaan ang isang kawawang aso sa probinsya. Dahil mapagmahal kaming buong pamilya sa mga aso, nagulat kami sa karumal-dumal na paghagip ng ale sa isang nasa sidewalk. At nang hindi kami mapakali at naiyak na sa sinapit ng kawawang aso, sinabi na lang niya na "hayaan niyo na yun, wala namang kaluluwa yun."
Tumatak lahat sa isip namin ang sinabing iyon ng ale. Hindi kasi namin matanggap at lahat kami ay tutol doon. Nagkatinginan kami at natawa na lang sa maling paniniwala ng ale. Para sa kanya, ganun lang kadali pumaslang ng hayop. Dahil sa paniniwalang wala silang kaluluwa.
Tulad ng tao, ang mga hayop ay likha rin ng Diyos at may buhay din. May isip. May puso. May kaluluwa.
Naalala ko ang tungkol sa bagay na ito nang may nakita akong aso habang nagmamaneho sa highway pauwi galing trabaho. Nasa center island siya at hindi makatawid. Muntikan na akong mawala sa konsentrasyon sa pagmamaneho dahil nakita ko siyang nagtangkang tumawid habang maraming rumaragasang sasakyan.
Sa mga sandaling iyon, gusto kong tumigil sa gitna ng kalsada para kunin ang kawawang aso. Pero nagpatuloy ako sa pagmamaneho hanggang sa dumating na sa U-turn. Hinanap ko agad kung nasaan na ang aso. Nilalakad na lang niya ang kahabaan ng center island habang nagtatangka pa ring tumawid at magpatuloy sa kanyang paglalakbay.
Sa loob-loob ko, gusto ko na talagang sagipin ang aso. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag nasagasaan siya. Hindi ko matatanggap na mamatay siya na ganun ganun na lang. Pero naisip ko, may sariling utak ang aso. Nakarating siya doon kaya makakabalik din siya sa kabilang dulo ng kalsada. Naglalakbay siya mag-isa at kaya na niya ang sarili niya. Matatawid din niya ang highway sa takdang oras.
Maraming libro ang tungkol sa pagpapatunay na may kaluluwa ang mga hayop. May isa nga na nagkwento sa pagkikita ng aso at tao sa langit nang sila ay sumakabilang buhay. Hindi natin masisisi na yung mga taong nangmamaltrato sa mga hayop ay naniniwala na wala silang kaluluwa. Hindi nila alam na sa ginagawa nila, sila mismo ay mas lalong walang kaluluwa.